Media Releases | News

Oxfam Pilipinas at PKKK inilunsad ang ‘Care Connect’ sa Wao, Lanao del Sur

Inilunsad noong ang Care Connect Project ng Oxfam Pilipinas, katuwang ang Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK), Pamahalaan ng Canada, Oxfam Canada, at mga lokal na organisasyon sa bayan ng Wao noong Agist 7, dalawang ara bago ang International Day of the World's Indigenous Peoples..

Photo: Oxfam Pilipinas

Wao, Lanao del Sur — Dalawang araw bago ang International Day of the World’s Indigenous Peoples (IP), inilunsad noong Agosto 7, 2025 ang Care Connect Project ng Oxfam Pilipinas, katuwang ang Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK), Pamahalaan ng Canada, Oxfam Canada, at mga lokal na organisasyon sa bayan ng Wao.

Mahigit 30 na kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, Philippine National Police-Women and Children’s Protection Desk, municipal at provincial Indigenous Peoples’ Mandatory Representatives (IPMRs), mga punong barangay, kagawad, at mga lokal na samahan ang dumalo sa paglulunsad.

Binigyang-diin ni Jeanette Kindipan-Dulawan, Gender Justice Portfolio Manager ng Oxfam Pilipinas, ang kahalagahan ng pagpapalakas ng care work sa IP areas. “Sa maraming katutubong komunidad sa atin, karaniwang itinuturing ang mga gawaing pag-alaga bilang tungkulin ng kababaihan at mga batang babae. Ang pagtingin na ito ay  nakaugat sa mga cultural norms na kadalasang nagiging hadlang para ang mga kababaihan ay makapag-aral, makapamuno, at makilahok sa gawaing pangkabuhayan.”

Dagdag niya, matindi ang hamong dulot ng kultura sa larangan ng care work—mga gawaing pangangalaga sa mga bata, matatanda, may kapansanan, at iba pang nangangailangan—sa mga katutubong pamayanan tulad ng Wao. Bagama’t mahalaga, madalas na hindi nabibigyan ng sapat na halaga, pagkilala, at suporta ang care work.

Binigyang diin ni Vlad Ionescu, First Secretary ng Government of Canada, ang suporta ng Pamahalaan ng Canada sa mga programang patungkol sa gender equality. Aniya, “Through this commitment, Canada is working in partnership with both civil society and multilateral partners to target a key yet neglected barrier to gender equality — support for domestic workers’ rights, quality childcare services, and gender equality care policies.”

(“Nakikipagtulungan ang Canada sa civil society at iba pang partner para matutukan ang mahalaga pero nakakaligtaang hadlang sa gender equality: ang suporta sa karapatan ng mga kasambahay, kalidad na serbisyo sa pangangalaga ng bata, at mga gender equality care policy.”)

Pinuri nina Municipal Administrator Neonita Bautista at Punong Barangay Ricardo Dusil ang Care Connect bilang mahalagang hakbang para mas mapalawak ang kaalaman tungkol sa karapatan ng kababaihan at Indigenous Peoples, pati na rin ang pagtataguyod ng gender equality.

Nagtapos ang programa sa simbolikong pagpirma sa Care Connect logo bilang tanda ng kanilang suporta sa adhikain ng isang ‘Lipunang Malaya na Bunga ng Pag-aalaga’. Ang Care Connect ay isang apat na taong proyektong ipinatutupad sa limang lungsod at siyam na bayan sa Luzon, Visayas, at Mindanao, kabilang ang Wao.