Speeches

‘Patas na batas, patas na bukas’: Lot Felizco’s speech at the Women’s Priority Legislative Agenda Launch for the 20th and 21st Philippine Congress

Sa ngalan ng Oxfam Pilipinas, at ng mga kasamang advocates mula sa civil society, isang malaking karangalan na ipahayag ang aming matibay at taos-pusong suporta sa paglulunsad ng Women’s Priority Legislative Agenda (WPLA). Bilang isang NGO na nagsusulong ng gender justice sa mahabang panahon, ang mga nilalaman ng WPLA ay tunay na malapit sa aming puso.

Bago ang lahat, gusto naming kilalanin, sa pangunguna ng Philippine Commission on Women at sa dedikasyon ng ating mga katuwang na sektor, ang malinaw, makatao, at konsultatibong pagbubuo ng Women’s Priority Legislative Agenda. Bilang bunga, ang agenda na hawak natin ngayon ay hindi lamang balangkas ng mga pangunahing batas na ihahain sa kongreso. Isa itong makulay na habi ng panawagan, pangarap, at pag-asa ng mga kababaihan na may tinig at lakas para baguhin ang bayan.

At wala nang mas napapanahong oras kaysa ngayon para isulong ito. Bilang bansa, sabay-sabay nating hinaharap ngayon ang magkakapatong na krisis—mula sa sunod-sunod na kalamidad, at ang krisis ng kurapsyon.

Para maharap ang mga hamon na ito, naniniwala tayo na buong lakas ng bansa ang kailangan. At nasa pagpapalakas ng ating mga kababaihan sa lahat ng sektor at antas ang unang hakbang.

Ang paglulunsad ng agenda ay malinaw na sagisag nitong ating pinagsasaluhang paninindigan at diwa.

Higit pa sa pagiging talaan ng mga panukalang batas, ito ay matapang na pagtataya sa kung ano ang kaya nating isakatuparan bilang bayan. Pahayag din ito ng ating kolektibong paniniwala at mga prinsipyong nakaugat sa atin bilang Pilipino: na walang sinuman ang dapat maiwan sa pag-abot ng katarungan at pagkakapantay-pantay.

Bitbit ang mahigit tatlong dekada ng pagsulong natin sa patas na bukas, pribilehiyo naming maging katuwang sa pagpapasakatuparan nito. Maaasahan ninyo na kaisa ang Oxfam Pilipinas sa pagpapalakas ng tinig ng mga kababaihan, hanggang sa makatawid ito mula sa mga isla’t pamayanan patungo sa plenaryo. Kasama niyo kaming bubuo ng mga espasyo kung saan ang mga bulnerable at pinakanangangailangan ang sentro.

Katabi ninyo kaming magtatahi ng mga hibla ng datos at istorya na magbibigay-pulso sa ang ating mga polisiya, at magtitiyak na ang ating bawat salita ay nakaugat sa reyalidad at sa maraming totoong kwento.

Ilan sa mga kwentong magkasamang isusulat natin ay kwento ng mga kababaihang bakwit na napipilitang lisanin ang kanilang tahanan dahil sa hidwaan at karahasan, ngunit sa halip na sumuko, ay paulit-ulit na naglakas-loob at nag-oorganisa para sa kapwa kababaihan at kabuhayan.

Dahil para sa kanila, ang agenda na ito ay magbibigay konkretong mekanismo upang tuluyang maibangon muli ang kanilang buhay at matiyak na hindi sila maiiwan, lalo na sa usaping kapayapaan.

Mga kwento ng care workers sa ating komunidad mula barangay health workers at VAWC Desk leaders. Mga unang takbuhan at tumutugon sa atin, mula sa usaping kalusugan hanggang sa paglaban sa karahasan laban sa kababaihan, kulang man ang proteksyon at benepisyong naisusukli natin.

Para sa kanila, ang agenda na ito ay pag-asa na ang kanilang serbisyo ay hindi nalang mananatiling sakripisyo. Pag-asang matutumbasan na ng karampatang suporta at mabibigyang alaga ang mga nag-aalaga, hindi lang para patuloy silang makapaglingkod sa pamilya’t komunidad, kundi para mapahalagahan din ang kanilang sarili.

Dagdag pa rito ang mga kwento ng mga batang babaeng katutubo na nakukulayan ng takot ang kinamumulatang mundo. 

Kasama ninyo kaming maghahabi ng mga kwentong ito na siyang magiging batayan ng mabubuti at mapagpalayang batas.  Kasama ninyo kaming tumitindig na ang patas na batas, sandigan ng patas na bukas.

Note: This speech was delivered by Oxfam Pilipinas Executive Director Maria Rosario “Lot” Felizco at “Kapehan: Pagsusulong ng Pangunahing Batas para sa Kababaihan sa ika-20 at ika-21 Kongreso” (Women’s Priority Legislative Agenda Launch) on November 26, 2025. The launch was organized by the Philippine Commission on Women.